KAPUSUKAN
Bawat dahon sa punong nalalagas ay mayroong kwento. Kasabay ng kanyang pag usbong hanggang sa ito’y naging kaakit – akit sa mata ng ibang tao. Marahil madaling isipin na sa buhay, kalakip nito’y mga pangyayari na huhubog sa kamalayan, identidad at buo mong pagkatao. Simula bata pa lamang kami ni John ay kabigkis ko na siya sa lahat ng bagay. Araw- araw kaming sumusukob sa ilalim ng napakalaking puno at doon namin pinag – uusapan ang aming mga pangarap sa buhay.
Magkaibigang matalik ang aming mga ama kung kaya’t lagi ko rin siyang nakakasama. Tuwing hapon ay naglalaro kami sa may dalampasigan, naghahabulan, namumulot ng pira-pirasong perlas at ginagawa naming palamuti. Ang buwan ang nagsisilbing hudyat ng aming paghihiwalay at pagpapahinga sa maghapong paglalaro naming dalawa. Ang araw naman ang nagsisilbing bagong liwanag na nangangahulugang bagong araw na magkasama. Kung ako ang mauuna na magising ay agad ko siyang pinupuntahan sa kanila at pinipisil ko ang kanyang ilong hanggang sa makamulat siya.
Sa bawat sinag ng araw, ang dala nitong init ay di namin alintana dahil ang kahalagahan sa presensya ng bawat isa . Madalas kapag kami ay nasa ilalim ng punong aming sinisilungan ay inaamoy niya ang aking buhok na tila siyay nahahalina nito. Sabi pa niya sa akin na hinding-hindi kami dapat na magkahiwalay dahil malulungkot ang bawat isa sa amin. Nag-uusap kami ng mga malalalim na kahulugan ngunit di akma sa mosmos palang naming pag – iisip at edad. Dumaan ang napakaraming taon at sa wakas ay dahan – dahan na naming tinutupad ang aming mga pangarap. Naglalaro parin kami ng tago-taguan sa mga puno at habulan sa may dalampasigan. Ngunit, kasabay rin pala ng paglipas ng mga panahon ay ang pagbabago na hindi namin kailan man inaasahan. Dahil nga mga dalaga at binata na ay pinayuhan kami ng aming mga magulang na iwasan ang madalas na pagkikita. Hindi namin lubos maisip ang kanilang nais iparating dahil hindi kami sanay na di kanlong ang isa’t-isa at maging parte ng kanya-kanya naming buhay. Katulad ng dahon ay hindi mo tansya kung kalian ka hahampasin ng napakalaking hangin na dulot sa iyo’y hinagpis at desisyon na bumitaw at mahulog nalang sa kawalan. Sa di inaasahan ay nagkita kami sa Maynila dahil doon ako nag – aaral at simula sa araw na iyon ay napadalas ang aming pagkikita ng palihim sa aming mga magulang. Gusto kong matupad ang nais sa akin ng aking mga magulang ngunit hindi naman masama na mapagbigyan ko rin kahit minsan ang aking sarili na sumaya kapag ako’y kasama niya. Hanggang sa humantong nga ang aming paglilihim na iyon sa karupukan at kamunduhan.
Pansamantala naming kinalimutan ang kanya-kanyang responsibilidad at pangarap, nagpakalunod sa tukso ng init. Makalipas ang ilang araw, di ako mapakali sa aking kinauupuan agad akong hinabol ng aking nangangasim na sikmura’t naginginig na mga kalamnan. Di napigilan ng aking katawan ang manlambot ng nalaman kong nagbunga ang tukso na aming hindi napigilan. Agad na bumalik sa akin ang mga ala-ala ng kami ay wala pang muwang at ang mga pangarap ng aming mga magulang. Huli na ang lahat na kumapit pa sa pangako na aming matagal na kinapitan dahil katulad ng dahon sa sanga pag hindi ka naging matatag ay mahuhulog ka talaga.
Comments
Post a Comment